Ang Trahedya ni Manny Pacquiao

Masakit marahil para sa isang kampeon ang matalo. Ganyan kaya ang nararamdaman ni Emmanuel Pacquiao nang siya ay magapi sa nakaraang halalan?

Ayon sa mga marurunong, dapat alamin ng isang kawal kung kaya ba niyang lampasan ang isang gawain. Dapat alamin ng isang manlalaro kung sapat ba ang kanyang kakayahan upang magwagi sa isang timpalak pampalakasan. Dapat alamin ng isang pulitiko kung sapat na ba ang kanyang karanasan upang sumabak sa isang halalan. Hindi ito inisip ni Manny Pacquiao.

Marahil ay isang mabait na tao si Manny Pacquiao. Madaling makita ang sinseridad ng kampeon. Ngunit ito ang kanyang matinding kahinaan. Nagpagamit siya sa mga taong walang hinangad kung hindi ang magapi ang isang kasapi ng oposisyon.

Nakakalungkot basahin ang mga balita tungkol sa kanya pagkatapos ng halalan. Tulad na lamang ng balita na gumastos siya ng mahigit 140 milyong piso para sa kanyang kampanya. Pinangakuan siya ng mga taong nagpatakbo sa kanya na babayaran ang anumang gastusin nya sa kampanya; ngayon, hindi na niya mahagilap ang mga ito. Tapos, may dalawang tao ang nangakong tutulungan siya sa pagkampanya, at nanghingi ng kalahating milyong piso bilang paunang bayad. Ayun, naloko siya.

At eto pa, niloko rin yata siya ng mismong campaign manager niya.

Makikilala ang mga tunay na kaibigan sa panahon ng kabiguan at pangangailangan.

Isang masakit at napakamahal na aral ito para kay Pacquiao. Nawa ay matuto siyang kilalanin kung sino ang tunay na kaibigan at sino ang manggagamit lamang. Tama iyong mag-aral siya sa kolehiyo bilang paghahanda sa kanyang muling pagpasok sa pulitika. Sana nga lang ay huwag mawala ang kanyang kabaitan at pagiging matulungin sa kapwa.

3 thoughts on “Ang Trahedya ni Manny Pacquiao

  1. Mas kilala ni Pacman ang sarili niya. Alam niya ang kanayng kapasidad at limitasyon. Sumobra yata ang bilib sa sarili kaya ayun, natalo. Hindi ang mga Cebuano ang pinaka-matalinong botante, mga tag-GenSan.

  2. Pingback: election2004.ph » The Ultimate Challenge - Congwrestlemania 2007! (UPDATED)

Comments are closed.