Nagpunta ako sa isang department store noong Miyerkules ng gabi upang bumili ng pangregalo para sa aming Kris Kringle. Mayroon silang libreng gift wrapping, kaya pumila ako para ako ay makatipid. Nagulat ako dahil napakahaba ng pila. Sa sobrang dami ay naglagay pa sila ng express section para sa mga magpapabalot ng hanggang sa dalawang item lamang. Iyung regular na section, ang daming binabalot.
Habang ako ay nakapila, madalas na may dumadaan na lalaki na nagtutulak ng kariton na naglalaman ng mga pinamili ng ilang mamimili. May washing machine, rice dispenser, kalan, telebisyon, radyo. Mga hindi mamahaling gamit pero ito iyong mga bagay na hindi basta binibili. Paminsan-minsan, may nagtutulak ng mga gamit na ipampapalit marahil sa mga nabili na – karaniwan ay mga gamit sa bahay.
Bigla akong napaisip habang nakapila. Hindi mayayaman ang mga taong ito ngunit maalwan ang kanilang buhay. Mga middle class, naisip ko, upper middle class. Sila iyong mga sapat ang kinikita upang makabili ng mga ganung bagay. Marahil nakuha na nila ang kanilang 13th month pay at bonus. Marahil nagpadala na ng mga dolyares ang kanilang mga kamag-anak na nagtatrabaho sa ibang bansa. Sila marahil ang unang masasaktan kapag nagkaroon ng isang marahas na pagbabago sa ating lipunan.
Hindi ang mga mayayaman, dahil malamang ang kanilang kayamanan ay wala na sa ating bansa. Hindi rin ang mga mahihirap, kasi wala nang mawawala sa kanila kung hindi ang kanilang buhay. Oo, ang mga middle class ang malaking talunan sa isang marahas na pagbabago. Sila ang aayaw sa isang rebolusyon.
Kung gusto natin ng pagbabago, paano natin ito makakamit? Halos lahat ng paraan na naaayon sa batas ay hindi na natin magamit, sa kadahilanang tayo rin ang may sala (tulad ng pagboto sa maling kandidato). Ano ngayon ang dapat nating gawin? Mukhang mas gusto ng nakakarami na antayin na lang ang susunod na halalan. Pero paano tayo makakasiguro na magkakaroon ng eleksyon sa 2010? Paano tayo makakasiguro na hindi na gagalaw ang mga katulad nina Garcillano at Bedol? Paano kung mabago ang ating Saligang Batas? Maraming maaaring mangyari bago ang 2010. Nabubuhay tayo sa panahon ng walang kasiguruhan, kaya marahil ayaw na nating dagdagan pa ang kasalukuyang kalituhan.
Hindi ko masisi ang karamihan sa atin kung bakit ganoon ang kanilang pag-iisip. Pero mas nalulungkot ako na habang mas gusto natin na manatili ang ating maalwan na buhay, patuloy na nagiging malalim ang ating suliraning pambansa. Sana hindi natin pagsisihan ang ating pagiging takot sa pagbabago.