Nakakasawa na palagi kong naririnig ang parirala na “rule of law”, lalo na kung ito ang namumutawi sa mga bunganga ng mga taong garapal na lumalapastangan at bumabastos sa ating mga batas.
Noong isang araw, aking nasabi na balewala ang ginawang pagsasampa ng National Press Club sa Commission on Human Rights ng isang reklamo laban sa ilang opisyal ng pamahalaan at kapulisan. Bukod sa kawalang integridad at kredibilidad ng nasabing samahan, wala ring mangyayari dahil kulang sa kapangyarihan ang komisyon. Wala itong kakayanan na mag-usig ng mga lumabag sa karapatang pangtao.
Tinanggap ng komisyon ang reklamo, at ipinatawag ng komisyon sina Ronaldo Puno, kalihim para sa Ugnayang Panloob at Lokal na Pamahalaan; at Avelino Razon, punong direktor para sa Pambansang Pulisya ng Pilipinas. Ngunit, bilang pagpapakita ng kawalang-halaga ng komisyon at pag-alipusta sa batas, hindi nagpakita ang dalawa.
Hindi rito nagtatapos ang pambabastos. Noong isang araw, nagpulong ang mga pinuno ng ilang media organizations, mga pinuno ng pamahalaan, at pamunuan ng Kapisanan ng mga Brodkasters sa Pilipinas. Ginanap ang pagpupulong upang magkaroon ng isang kasunduan ang lahat pagdating sa mga sitwasyong katulad ng nangyari sa Manila Pen. Bagamat walang nangyari sa naturang pagpupulong, ipinakita ni Puno kung sino ang nambabastos sa batas. Sinabi nito na kanila pa ring huhulihin ang sinomang reporter na sa kanilang palagay ay balakid sa paggulong ng katarungan (obstructing justice). Oo, kanila pa ring huhulihin kahit na ang ginagawa lang ng media ay ipahatid sa lahat ang mga pangyayari.
At patuloy pa rin sila sa kanilang paniniwala na tama ang ginawa nilang pag-aresto sa mga reporter na nasa loob ng hotel noong pwersahang pasukin ito ng mga pulis. Isang malaking pambabastos sa batas ang ginawa ng mga pulis, at isang mas malaking pambabastos sa batas ang patuloy na pagmamatigas nina Puno at Razon na tama sila. Isa si Atty. Theodore Te sa mga manananggol na nagsabi na mali ang ginawang pag-aresto ng mga pulis.
Hindi pa riyan natatapos ang lahat. Unti-unti nang ginagamit ng rehimeng Arroyo ang “rule by law” sa pamamagitan ng (1) paglabas ng isang matandang kautusan na sinulat noong panahon ni Gng. Aquino, na nagbibigay babala sa media sa pagbibigay-panahon sa sinumang rebelde; at (2) ang pagrepaso ng Kagawaran ng Katarungan sa mga prangkisa ng mga istasyon ng telebisyon at radyo upang malamang kung may nilabag ang mga ito noong araw na iyon. Ginagamit nila ang batas upang takutin ang media – isang garapalang pambabastos sa tunay na kahulugan ng “rule of law.”
Nakakalungkot na karamihan sa mga Pilipino ngayon ang kumukutya sa media organizations dahil sa kanilang paghahatid ng mga pangyayari sa Manila Pen. May isa pa ngang walang magawa sa buhay ang nagsimula ng isang online petition laban sa isang malaking istasyon. Ang masasabi ko lang ay ito. Una, bakit ang istasyon lang na iyon? Bakit hindi niya isinama lahat ng mga media organization na lakas-loob na naghatid ng balita? Ikalawa, nakakatakot ang ganitong ugali, kasi ito ang sinamantala ni Ferdinand Marcos upang isailalim ang bansa sa batas militar. Kung tutuusin nga eh hindi na kailangan ni Gloria Arroyo na magdeklara ng martial law. Tutal, kaya naman niyang bastusin ang batas, at wala namang pakialam ang mga taong katulad ng nabanggit ko kanina. Naalala ko tuloy si Bong Austero. Hindi pala mauubos ang mga taong tulad niya.
Sa pangwakas, ang pagyurak sa karapatan ng media na ipahayag ang mga nangyayari sa ating kapaligiran ay mali at isang malinaw na pambabastos sa batas at sa Konstitusyon ng ating bansa.
—
Pero ano ang mas nakakalungkot? Pinababayaan lang natin sila na alipustain, babuyin, bastusin, at pawalang-halaga ang ating mga batas. Tandaan natin na ang kapangyarihan ng batas ay nanggagaling sa atin; ang garapal na pagbastos sa batas ay garapal na pagbastos sa atin. Hanggang kailan tayo papayag na bastusin na lamang nang ganun?
Simula sa araw na ito, lahat ng inyong mababasa rito tuwing araw ng Biyernes ay nakasulat sa wikang Filipino. Ang mga sulatin sa araw ng Biyernes ay may tag na sa-wikang-Filipino.