Kahapon, aking napagtanto na hindi ako magaling sa pagsulat sa Filipino. Kailangan ko pang maghirap sa pagsalin ng isang dokumento upang malaman ang katotohanang mahirap magsulat sa Filipino.
Halos araw-araw naririnig natin sa mga matatanda, mga negosyante, mga guro, mga opisyal ng pamahalaan na bumababa ang kakayahan ng mga Pilipino sa paggamit ng wikang Ingles sa pananalita at pagsusulat. Nagrereklamo ang mga kumpanyang call center na mahirap na raw maghanap ng mga manggagawang Pilipino na bihasa sa paggamit ng wikang Ingles. Kung may nakita silang manggagawa, kailangan pa nila itong sanayin pa; ito ay dagdag-gastos, kaya napipilitan silang papirmahin ng kontrata ang mga manggagawa upang hindi masayang ang gastos sa pagsasany.
Nitong nakaraang buwan, iniulat na mababa ang naging resulta ng pagsusulit sa agham at matematika ng mga mag-aaral, bagaman medyo maganda ang resulta ng mga pagsusulit sa Ingles. (Tingnan angulat na mula sa National Statistics Coordination Board para sa taong 2004-2005.)
Ayon na rin sa nasabing ulat, mas mataas ang mga nakuhang marka sa Filipino ng mga mag-aaral sa elementarya, kung ikukumpara sa mga nasa high school.
Nabasa ko itong sanaysay ni Peter Wallace. Di ko malaman kung matatawa ako o maiiyak o maiinis. Bukod sa gumamit sya ng maling datos (pakibasa yung sinabi kong ulat mula sa NSCB at ikumpara sa mga pinagsasasabi ni Wallace), may mga katwiran sya na medyo paling. Halimbawa, sinabi nya na:
As to English, only 7 percent of graduating high school students in 2004/05 could read, speak and comprehend English well enough. A fact supported by the fact that only 3 to 6 percent of applicants for a call center job are competent enough in English to get that job.
Pakibasa pong mabuti, dalawang pangungusap lang po iyan. Sabi po nya, 7 porsyento lamang ng mga magtatapos sa high school noong 2005 ang kayang magbasa, magsalita, at makaintindi nang maayos sa wikang Ingles. Di ko po alam kung saan nya nakuha ang numerong 7% (baka po di ko nabasang mabuti), pero ano po ang kinalaman nun sa ikalawang pangungusap nya? Baka naman po inaakala nya na pagkatapos ng high school ng isang mag-aaral ay maghahanap na sya ng trabaho sa isang call center.
Basta basahin nyo yang gawa ni Wallace, at kung isa kang taong nag-iisip at may lohika, matawa ka na lang. (Punta na lang kaya ako sa bansang Hapon, isang maunlad na bansa na hindi magaling sa Ingles. O sa Tsina? O sa Timog Korea?)
Noong ako ay nasa elementarya, tatlong aralin lang ang itinuturo sa wikang Filipino (Pilipino pa noon): Sibika at Kultura (sa Baitang 1-3); Heograpiya, Kasaysayan, at Sibika (sa Baitang 4-6); at Pilipino. Di ko nga matandaan kung paano ko naintindihan ang agham at matematika noong mga panahon na yon; Ingles ang ginagamit na wika sa pagtuturo ng mga araling iyon, kasabay ng pagtuturo ng wikang Ingles.
Mali po ang solusyong gusto ni Ginoong Wallace. Ayon sa kanya, dapat na maipasa ang HB 4701. Ang batas na ito ay naglalayong gamitin ang wikang Ingles sa lahat ng mga aralin sa paaralan. Wala po sa wikang gamit sa pagtuturo ang solusyon. Sabi nga sa wikang Ingles, Wallace is barking at the wrong tree. (Bagamat sang-ayon ako sa iba pa niyang suhestiyon.) Pareho yata kami ng saloobin ni Ginoong Manuel Quezon III.
Bilang isang manunulat-teknikal, ako po ay naniniwalang dapat na paunlarin ang kaalaman sa paggamit ng wikang Ingles. Dapat na itinuturo yan sa paaralan. Tama na tulungan ng magulang ang mga anak sa paggamit ng wikang Ingles. Pero ang pwersahin ang isang tao na matutong gumamit ng wikang banyaga ay mali. At ang pwersahin ang isang tao na matutong gumamit ng Ingles para lang maintindihan nya si Wallace ay isang napakalaking mali.
Pero mabalik tayo sa usapan. Hindi ako magaling sa Ingles, marunong lang ako gamitin ang wikang ito. Pero nalulungkot ako dahil nahihirapan ako sa paggamit ng wikang Filipino. Dito pa lang sa pagsusulat (o pagpindot sa tipo, o pagtatype sa wikang Taglish) ay nahihirapan na ako. Kung masusunod ang gusto ni Wallace, mauubos ang Pinoy na marunong magsalita ng Filipino.
Buti na lang may mga diksyunaryo na nasa Internet na pwede kong magamit. Tulad nitong nasa Bohol.ph, saka itong tagalog-dictionary.com.
Pero mali yata ang salin nila sa irony (panunuya raw ayon sa bohol.ph). Pero di ba ironic na balang araw mas magaling pa tayo mag-Ingles kaysa magsalita sa Filipino?
Hindi ako na niniwala sa sinasabi na 7% lamang ng mga Pilipino ang marunong magsalita, sumulat at makaintindi ng wikang Ingles. Naniniwala ako na magagaling pa rin ang mga Pilipino sa pagsasalita sa Filipino. Dahil bilang guro ng Filipino nakikita, naoobserbahan at napapansin ko na hirap ang mga kabataan sa pagsasalita at pagsulat ng Wikang Filipino sapagkat mas magaling pa rin sila sa Ingles. Sa aking palagay mas mainam kung parehong ituturo sa mga kabataang Pilipino ang pagsasalita ng Wikang Filipino at Ingles. Mas mabuti na maging bilingual o maging magaling sa dalawang wika. Sapagkat kahit ang Pangulo ng Pilipinas hinihimok na magsalita ang mga Pilipino na magsalita ng Ingles. Sapagkat ang mentalidad niya na ito raw ang magdadala sa magandang kinabukasan sa Pilipinas para maging “competitive” sa iba’t ibang bansa o makipagsabayan. Huwag baliwalain ang Wikang Filipino sapagkat ito ang pagkakakilanlan o tatak ng pagkaPilipino.
Kapag naghahanap ng trabaho o mapapasukan. Ang laging hinahanap ng mga malalaking kompanya o kompanya ay ang mga aplikante na magaling, bihasa sa pagsasalita ng wikang Ingles. Bakit hindi man lamang nila tinanungin kung ang isang aplikante ay bihasa at magaling din sa pagsasalita ng Wikang Filipino?
Alam natin lahat na hindi naging hadlang ang pag-unlad ng Hapon, Rusya, Alemanya at iba pang mga bansa ang paggamit lamang ng kanilang katutubong wika.
Bakit hindi ituro ng pamahalaan sa mga Pilipino ang pagpapatakbo ng negosyo o kaya naman ay bigyan ng suporta ang mga imbensyon o likha ng mga Pilipino para sa pag-unlad.Makilala tayo sa ating mga likha o kaya naman sa magaling na pagnenegosyo. At hindi bilang tsimay, alila, prostitute, alipin at iba pa.
Magiging maunlad tayong mga Pilipino hindi lang dahil sa pagsasalita ng Wikang Ingles. Magiging maunlad tayo kung tutulungan ang mga imbentor ng pamahalaan dahil doon magiging bantog tayo sa ibang bansa.
Pagsikapan nating huwag malimot ng mga kabataan ang wikang Filipino.
Ang wika ay nagbabago, maaring ang wikang Filipino ay mamatay kung kakaunti ang minoryang gumagamit nito. Mahalin natin ang ating wika..
Nagkamali ang aking mga daliri sa pagtytype sa nauna kong nailimbag. Naniniwala ako na magaling pa rin ang mga Pilipino sa pagsasalita ng Wikang Ingles. Dahil ang mga kabataan kapag ako ay nagtuturo ng aking aralin sa Filipino ay hindi nila maunawaan mas mainam ito kapag ito ay aking isinasalin sa Ingles..
Magagaling ang mga kabataan sa Ingles.
Mas mainam kung tuturuan natin sila sa dalawang wika ang ating katutubong wika ang Filipino at ang sinasabing internasyonal na wika ang Ingles.
Higit na ituro ang wikang Filipino sapagkat ito ang salamin ng ating kultura at kaluluwa nating mga Pilipino..
Binibining Joanna, salamat po sa inyong pagbibigay ng kuro-kuro hinggil sa suliranin ng wikang gamit nating mga Pilipino.
Marahil nga po ay tama ang sinasabi ng mga pangkat-progresibo na napakalalim na ng hawak ng kolonyalismo-imperyalismo sa pag-iisip nating mga Pilipino. Di ko alam kung ako’y matatawa o masusuya, kasi laging hinahanap sa mga aplikante ang karunungan sa paggamit ng wikang Ingles. Eh sa mga tanggapan naman, maski sa mga instant messenegers, Pilipino ang gamit.
Muli, maraming salamat po.
mas mahirap poh nah puro na lng tau magaling magsalita ng wikang ingles. Kung mangyayari nah ang mga Pilipino ay lubusan ng magaling sa pagsasalita ng Ingles kaysa sa Filipino baka magbago nah ang takbo ng buhay sa Pilipinas. Marahil ito nah ang kataposan ng Kulturang Pilipino. Alam naman nating lahat, kahit ang hindi magagaling sa kasaysayan ng bansa na ang wika ay isang napakamahalaga sa Kultura. Pano nah lng ang mga nagbigay ng hirap para maitaguyod ang Wikang Pambansa kung di rin natin bibigyan ng pansin.
Isa pah sa wikang Filipino lang tau nagkakaisa at masasabing tayo ay mga Pilipino at my sariling lahi nah pinagmamalaki sa boung mundo.
Maraming salamat sa iyong opinyon, ceejay.
Tulad nga ng sabi ni G. Galileo Zafra, ang nangyayari sa mga Pilipino ay subtractive bilingualism. Sa halip na humusay tayo sa 2 wika (Filipino at Ingles), ang nangyayari ay hindi na nga tayo magaling umingles, hindi rin magaling mag-Filipino. Pakinggan niyo na lamang kaming mga kabataan kung magsalita. “Wer na u? Ditoh na me. Wait lang! Parang, you know, it’s like that, ganun…” Hindi na kami straight mag-english. Di rin straight mag-Filipino…
Ang problema — pinipilit na papag-aralin ang mga Pilipino sa wikang hindi nila alam, malayo sa puso nila, hindi nila ginagamit. Yung sinasabi nilang “Philippines is the world’s 3rd largest English-speaking nation” – mito yan e, kalokohan! Ang nag-Iingles lang naman ay ang mga edukado, ang mga nasa gobyerno, ang mga elit. E ilang porsyento lang ba sila sa populasyon ng Pilipinas? Ang kalakhan – ang masa, ang mahihirap – kausapin mo sila, nag-Iingles ba sila??
Panahon pa ng Amerikano hanggang ngayong 21st century na, pinag-aawayan pa rin natin kung ano ang wikang dapat na gamitin sa edukasyon. Gayong napakalinaw naman na sinasabi ng mga pag-aaral pinakamainam na turuan ang tao sa kanyang unang wika. Kapag mahusay na siya sa una niyang wika, madali na siyang matututo ng ikalawa, ikatlong, at kung ano pang wika. Turuan ang mga tao sa wikang katutubo, sa wikang alam nila, sa wikang nasa puso nila, sa wikang ginagamit nila – hindi yung pinagsisiksikan mo sa utak nila ang isang wikang banyaga. Tayo lang naman yata sa buong mundo ang nasusuklam sa mga wika nating sarili e. Dinidiyos natin ang Amerika, ang Ingles, habang ang sarili natin ay ating isinusumpa. Lagi na itong nababanggit pero hindi natin sineseryoso: Ang Hapon, ang Tsina, ang Timog Korea, ang Thailand, ang Pransya, ang US, ang Italya, ang Alemanya, ang Amerika Latina, ang kapitbahay na Indonesia at Malaysia — ang mga mauunlad at papaunlad na bansa ng mundo, lahat sila wika nila ang ginagamit sa kanilang gobyerno, edukasyon, teknolohiya, media, atbp sektor sa lipunan. Tayo lang naman ang nagpapakaloko sa wikang banyaga e…
matinding kakulangan mayroon sa sistemang pangedukasyon sa bansa..dapat itong matugunan sa lalong mdaling pnahon lalo pat ang kbataang pinoy ay talentado sa pagpapauso ng ibat ibang salita..majejemon o hindi isa lang ang punto..mhalin ntin ang ating sariling wika at pagaralan ang wikang english..