Habang ang karamihan ay nangangarap na masuspinde ang pagpataw ng 12% na VAT sa mga produktong petrolyo, ang rehimeng Arroyo naman (sa pamamagitan ng kalihim ng kalakalan Peter Favila) ay nangangarap na patawan ng buwis ang text messaging. Opo, mga text addict, dahil sa lakas ninyo magtext, nakaisip ng dahilan ang rehimen para makalikom ng pera para sa 2010.
At hindi naman pahuhuli ang dalawa sa mga pangunahing tagasuporta ng rehimeng ito. Ang dalawang ito ay kumakatawan sa grupo ng mga mangangalakal at mga malalaking kumpanya. Ayon kina (ihanda ang inyong mga sarili) Donald Dee at Francis Chua (gusto ko maduwal), sang-ayon sila sa panukalang buwis. Sabi ni Dee, mabuti raw ito dahil marami raw sa mga kabataan ang nagpapadala ng mga walang kwentang text messages.
Kung gagamitin natin ang napakalupit na lohika ni Dee, dapat din nating buwisan ang mga sumusunod:
* mga tawag sa telepono, singkwenta sentimos kada minuto, 100 piso para sa mga komersyal na linya
* mga email, piso para sa mga email na galing sa mga kumpanya, 2 piso kung galing sa mga kumpanya na may kapital na mahigit sa 1 bilyong piso
* mga anunsyo sa radyo, telebisyon, at dyaryo, 100 piso kada 1 libo na ginastos sa nasabing anunsyo, 1 libo kada 500 piso kung ang kumpanya ay may kapital na mahigit sa 1 bilyong piso
* mga board meetings, 1 libong piso kada 30 minuto ng pagpupulong; 10% ng per diem ng mga board directors
* paglipad patungo sa ibang bansa upang dumalo sa mga pagpupulong, 5 libo kada isang araw na wala sa bansa
* dami ng sasakyan ng isang kumpanya, 1 libo kada isang kotse, 5 libo kada isang trak
* mga palabas sa telebisyon, 1 libo kada isang minuto ng palabas, na babayaran ng producer ng palabas; hindi kabilang ang mga balita
Alam nyo na ang ibig kong sabihin.
Kumontra naman sa nasabing panukala ang TXTPower. Hinamon nito ang rehimeng Arroyo na pagbawalan ang lahat ng byaheng panglabas. Ayon sa nasabing grupo, gumasta ang rehimen ng halos 692 milyong piso para sa mga byahe ni Gloria Arroyo noong 2005 at 2006. Grabe, ano?
Ngayon, sinasabi ni Favila na wala raw silang balak na patawan ng buwis ang text messaging. Siguro natambakan sya ng text messages. Buti nga sa kanya.
—
Bakit mali na buwisan ang text messaging? Simple lang. Mas matipid magtext kaysa tumawag. Mas mabilis ito, hindi kailangan ang internet connection. Pwede ka magtext kahit saan, basta may signal, may baterya, at may load. Bakit mo bubuwisan ang isang matino, mabilis, at maayos na paraan ng pakikipag-usap?