Pagtaas patungo sa Enchanted Kingdom

Nagulat ang marami sa mga tumataya sa Super Lotto 6-49 kahapon. Nagtaas kasing bigla ang presyo sa pagtaya. Dati, sampung piso (Php 10) lamang ang bayad para sa anim na numero; ngayon, dalawampung piso (Php 20) na.

Matatandaan na dati ay sinubukan na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na taasan ang presyo ng pagtaya sa lahat ng larong lotto. Nagpaskil sila ng mga anunsyo sa mga tayaan ng lotto ukol sa nasabing pagtaas, kaya marami sa mga mananaya ang nagreklamo. Sa sobrang dami, napilitan si Gloria Arroyo na ipahinto ang nasabing pagtaas.

Ngayon natin makikita kung gaano kasuwail ang mga tauhang itinatalaga ng rehimeng Arroyo sa mga opisina ng pamahalaan. Para hindi na makapagreklamo ang mga mananaya, hindi na sila naglabas ng anunsyo ukol sa pagtaas. Hindi ba isa iyang uri ng pagsisinungaling? Ano pa nga ba? Eh iyong mismong punong nagtatalaga ay sinungaling, ano pa ba ang dapat nating asahan?

Mas nakakatuwa ang sinasabing dahilan ng pagtaas. Kailangan daw ng PCSO ng karagdagang pondo para mas marami pa raw ang mapagsilbihan nila. Saka dumoble naman daw ang jackpot prize.

Teka. Bago ang bola kagabi, ang jackpot prize noong Linggo ay nasa Php 50 milyon lamang. Ngayon, ang lumalabas na jackpot prize ay nasa Php 60 milyon. Ang pagtaas ay simula Disyembre 31. Bakit ganun lang ang naging jackpot prize? Di ba dapat mas malaki na kasi bente pesos na ang taya? Hay, ewan.

Kulang sa pondo? Bakit hindi ninyo bawasan ang gastos nyo sa mga anunsyo nyo? Tutal halata naman na ibinebenta nyo lang naman sa tao si Gloria Arroyo. Mas makabubuti siguro na ilaan na lamang ninyo sa mas makabuluhang bagay ang pondo sa pagbayad sa mga anunsyo na si Gloria Arroyo ang pangunahing makikinabang.

Pero baka tama nga ang butihing arsobispo ng Lingayen-Dagupan.

Nakakatawa ang mga nangyari kahapon.

Mula sa Twitter twit ni Ederic Eder (ito at ito), nalaman ko na kapag binisita mo kahapon ang mga Web site ng Kagawaran ng Hustisya, PNP-CIDG, at ITECC, dadalhin ka ng Web browser mo sa Web site ng Enchanted Kingdom. Tawa ako nang tawa kahapon.

Kung sino man ang gumawa nito: sana ganyan ang ginawa nyo sa Web site na ito.

Para kay Gloria Arroyo: tanggalin mo na ang mga tagasulat mo ng mga talumpati. Yung paggamit mo ng pariralang “Enchanted Kingdom” sa iyong talumpati ay isang karima-rimarim na katangahan.

11 thoughts on “Pagtaas patungo sa Enchanted Kingdom

  1. Hello arbet.

    musta? oo nga, nakita ko din tumaas na lotto. tataya pa naman sana ako, nakulangan ako ng 10 piso.

    betsy

  2. Uy Betsy buti napadalaw ka. Di ako maniwalang tumataya ka rin ha ha ha.

    Oo nga, tataya sana ako ng 5 set, kaso nagtaas pala. Kainis. =P

Comments are closed.