Gustuhin ko man magsulat ukol sa EDSA People Power 2, mas mabuti pang magsindi na lang ako ng kandila.
Sa aking pagbabasa ng mga sumulat ukol sa EDSA Dos, nakakalungkot isipin na karamihan sa kanila ay nawalan ng gana. Sa wikang Ingles, they were badly burned. Iyung iba, talagang nag-isip pa pero isa lang naman ang patutunguhan ng kanilang mga sinasabi. Sa sikolohiya, meron tayong tinatawag na defense mechanisms, at sa aking palagay, sa mga nabasa ko na, nangingibabaw ang rasyonalisasyon.
Kung mabuti ang EDSA 2, bakit hindi natin ito magawa upang mapatalsik si Gloria Arroyo? Ang ilan sa iba, nagsabi na hindi ang pagpapaalis sa pinuno ng bansa ang solusyon. Ibig sabihin ba nun hindi tamang solusyon ang EDSA 2?
Ang iba naman ay nagsabi na mas mabuti na tumulong na lang sa ibang paraan upang mas mapabuti ang lipunan. At pabayaan na lang natin ang pulitika at iwan ito sa mga pulitiko? Parang nabalewala lang ang pagpunta nila sa EDSA. Para na rin nilang sinabi na hindi nakabuti ang EDSA 2. Eh bakit kailangan mo pang sabihin na tama ang EDSA 2 kung ganyan din lamang ang sasabihin mo?
Porke ba napaso tayo ng mga nangyari pagkatapos ng EDSA 2 eh susuko na tayo? Kung ganyan lahat ng pag-iisip natin, wala talagang mangyayari.
Kaya nga ayaw ko na magsulat ukol sa EDSA 2. Sasama lang ang loob ko. Dahil kahit anong gawin ko, kahit anong isulat ko upang ipaalam sa madla kung bakit dapat tayo makialam sa pulitika, wala ring mangyayari. Dahil mahirap makipag-usap sa taong nagtutulug-tulugan.