29
Feb

Bakit dapat nang magbitiw sa pwesto si Gloria Arroyo?

Marahil panahon na para aking ipaliwanag kung bakit dapat magbitiw sa pwesto si Gloria Arroyo. Narito ang mga dahilan kung bakit dapat na syang magbitiw.

1. Ang pagtatalaga niya sa mga mahahalagang posisyon ng mga taong hindi karapat-dapat.
a. Raul Gonzalez – Ilang beses na ba nagkalat ng lagim ang taong ito? Muntik na nga sya mamatay pero wala pa ring kadala-dala. At saka ilang beses na sya na bypass ng Commission on Appointments, pero kapit-tuko pa rin sa pwesto, katulad ng nag-appoint sa kanya.
b. Norberto Gonzales – Isa pa ito. Nung mangyari ang Glorietta 2 blast noong birthday ko, sabi nya gawa ng terorista yun. Pero ang sabi ng PNP hindi raw. National Security Adviser yan ha.
c. Lito Atienza – Boo! Buti pa kung si Kim Atienza ang nilagay eh. Eh eto? Bahagi sya ng Catholic Taliban, kontra sya sa non-natural family planning methods. At saka kasama sya sa mga nagtangkang patahimikin si Jun Lozada.
d. Angelo Reyes – Sya ang tunay na mutineer. Nakailang lipat na ba sya ng pwesto? Di ko na nga matandaan. Kapit-tuko rin. Hindi sya matanggal kasi subukan lang gawin ni Gloria yan. Bukas lang iba na presidente natin.
e. Romulo Neri – Nilagay sa CHED kahit na ang minimum requirement para maging Chairman eh isang doctorate degree. Saka dapat may paninindigan at backbone, hindi kanta-sabay-takbo.
f. Ben Abalos – Kailangan ko pa bang ipaliwanag ito?
g. Virgilio Garcillano – Basahin ang letrang f.
h. Ignacio Bunye – “I have two discs, the original and the fake.” “Liar, liar.” Pag nagsalita sya, maiinis ka na agad.
i. Lorelei Fajardo – Sang lupalop nanggaling ang babaeng ito? Sa wikang Ingles, she’s very repugnant.
j. Hermogenes Esperon – Duh. Magsalita pa lang alam mo na kaagad ang takbo ng utak nito – utak pulbura na ewan. Isa pang kapit-tuko na kailangan pang magparinig para lang maextend ang term. Saka tingnan mo ginawa kina Lim at Querubin. Matatapos na ang Pebrero pero nakakulong pa rin ang grupo, pero di pa rin tapos ang pekeng court martial. Saka sangkot din sya sa Hello, Garci.
k. Merceditas Gutierrez – Ayoko na sanang sabihin na bumagsak muna sya sa bar exams bago pumasa, kasi unfair sa mga abogado na ganun din ang sinapit. Pero tingnan mo naman. Noong magtestify si Jose de Venecia III sa Senado noong nakaraang taon, marami ang nagsampa ng kaso sa Ombudsman. Pero kelan lang sya umaksyon? Ngayong buwan lang! At wala silang maipakita kahit ano para mapatunayan na nag-imbestiga sila. Kaklase pa ni Mike Arroyo sa Ateneo. Yun na.

2. Pagtatago sa katotohanan dahil sa mga kapalpakan at kadugasan.
a. Hello, Garci – Tatlong taon makalipas ang isyu, walang nangyari. Si Garci, nagtago, nagparamdam, nagtago, bumalik, kumandidato, natalo, at ewan kung nasaan na sya. Si Esperon, ginawang Chief of Staff – at na-extend pa. Si Gudani at Balutan, na tumestigo sa Senado, ayun naka court martial. Retirado na si Gudani, kaso tinanggal ang kanyang retirement benefits. Yung iba pang heneral na nabanggit sa tapes, itinalaga sa ibang posisyon para masakop ng EO 464. At tinakot ng NTC at DOJ ang media upang hindi ipalabas/iparinig ang Hello, Garci tapes.
b. Fertilizer scam – Pinatakas si Jocjoc Bolante papuntang US, pero nakansela ang visa nya, kaya ayun, nakakulong sa US. Sana ipadeport sya rito, kaso may pending syang political asylum application, kasi raw ipapapatay raw sya ng NPA. Saka kung sakali mang makabalik sya, gagawin lang nila ulit ang tinangka nila kay Lozada. Pero this time, perfect na, saka willing magtago si Bolante.
c. Mga pekeng impeachment cases – Sabi ni Gloria daanin raw sa proseso, at handa raw syang ipagtanggol ang sarili sa tamang lugar. Idaan daw sa impeachment, sabi nya. Pero, tatlong beses nyang binusabos ang proseso, salamat sa mga pekeng complaints nina Lozano at Pulido. Salamat din sa mga bayarang kongresista. Asa pa kayo sa panibagong impeachment ngayong taon? Aba, si Lozano, nagpadala na agad ng complaint kahit hindi pa paso ang ban dahil sa palyadong complaint ni Pulido. Pero wag ka, magulat ka na lang pag tinanggap yan sa Oktubre.
d. EO 464 – O kung di ba naman takot sa katotohanan ang Gloria, nilabas ang EO 464. Kung wala kang itinatago, bakit kailangan mong busalan ang mga tao mo, di ba? Ganun lang kasimple yun.

3. Mga kabastusan at anomalyang hindi pa rin nabibigyang linaw hanggang ngayon.
a. Hello, Garci – Kasi nga, ginawa ng administrasyon ang lahat, wag lang lumabas ang katotohanan. Kung totoo ang laman ng tapes, ibig sabihin nandaya si Gloria para manalo.
b. Fertilizer scam – Natapos na ang termino ni Ramon Magsaysay Jr. bilang senador (at nanguna sa pag-iimbestiga sa kasong ito), pero wala pa ring napaparusahan. Kasi, natutulog sa kangkungan ang Ombudsgirl. Saka si Bolante, nakakulong pa sa US. Biruin mo, ang Makati, binigyan ng alokasyon para sa fertilizer! Ah, baka yan ang ginamit na pampasabog sa Glorietta!
c. NBN-ZTE at ang mga pangyayari sa buhay ni Jun Lozasa, kasama na ang isyu sa Spratlys.
d. Mga extra-judicial killing at mga taong sapilitang dinukot diumano ng mga tauhan ng gobyerno – Malapit nang mag-isang taon noong mawala si Jonas Burgos, pero hanggang ngayon hindi pa rin sya makita. Pati na rin yung dalawang estudyante ng UP, kasama yung iba pang nawawala. At ang Gloria, ipinagmalaki ang kanyang human right record. Hay ewan.
e. ATBP – basahin sa PBWiki.

4. Ang pagyurak sa mga institusyon ng bansa.
a. Comelec – Ang pagtatalaga sa mga hindi karapat-dapat na sina Abalos at Garcillano. Ang palpak na poll automation. Hello, Garci.
b. House of Representatives – Pagiging sunud-sunuran sa rehimeng Arroyo. Ang pagbaboy sa proseso ng impeachment.
c. Ombudsman – Ang hindi pagkilos ng mga kaso na kontra kay Arroyo, kumpara sa bilis ng kaso kontra oposisyon.
d. Armed Forces of the Philippines – Naging Armed Forces of President Gloria Macapagal Arroyo. Naging tagapagtanggol ng rehimen imbes na tagapagtanggol ng bayan.
e. Philippine National Police – Naging Palpak na Pulis. Naging pangontra ni Gloria laban sa mga nagpoprotesta.

5. Pagtataksil sa pagtitiwalang binigay sa kanya ng bansa (bagamat hindi naman sya tunay na pangulo ng bansa). Basahin lahat ng mga nabanggit sa taas.

Kaya, Gloria Arroyo, resign na! Now na!

Ikaw, dapat nga bang magbitiw na si Gloria? Bumoto sa aking survey. Kung gusto mo, mag-iwan ka ng komento, sabihin mo kung ano ang ibinoto mo, at bakit.

[poll=4]

15
Feb

Mga maikling bukas na liham

Para kay Vivianne Yuchengco:

Ang taray mo ha? Bago ka magtaray, balikan mo muna mga pinaggagagawa mo noong panahon ng impeachment ni Joseph Estrada. May pa walkout-walkout ka pa nun. Ngayon, nagpuputok ang butsi mo dahil sabi ng club mo, dapat magresign sina Atienza at Neri. Di ka sang-ayon, sabi mo, dahil dapat hindi mamulitika ang Makati Business Club. Noong mamulitika ang MBC noong 2000-2001, kumontra ka ba? Nagwalk out ka nga eh. Ang labo mo naman. Kaya siguro stock broker ka lang at walang mahalagang posisyon sa mga kumpanya ng pamilya mo – malabo ka kasi kausap.

Ganito na lang. Maniniwala ako sa iyo kung babayaran ng pamilya nyo ang lahat ng nadugas ng Pacific Plans nyo. Hangga’t hindi nyo ginagawa yun, nek-nek mo.

Arbet

Para kay Romy Neri:

Di ko malaman kung matatawa or maaawa ako sa yo. Ewan ko ha. Ikaw ba naman na halos linggo-linggo may nagpipiket sa harap ng bahay mo. Buti nga di ka pa nababaliw.

Pero ewan. Kung anu-ano pa pinagsasabi mo. Kesyo hindi rally ang sagot sa problema, kesyo dapat sagutin ang ugat ng problema. Ang problema, kasama ka run sa problema! Hindi mo ba magets yun? May alam ka, pero ayaw mo sabihin. Bakit? Executive privilege ka dyan. Palusot mo lang yun. So porke may executive privilege di ka na magsasalita tungkol sa krimen?

Sang-ayon ako sa yo na malalim ang ugat ng problema. Ang problema sa yo, mukhang nakompromiso ka na ng isang taong malapit sa yo.

Pakikumusta na lang ako kay Tom.

Arbet

Para kay Heneral Avelino Razon:

Ilang buwan pa ba bago ka magretiro? Kung ako sa yo, aayusin ko ang trabaho ko para hindi masira ang kredibilidad, integridad, at reputasyon ko.

Naaawa ako sa yo noong Lunes. Parang hirap na hirap ka magsinungaling. Mahirap naman talaga, di ba? Lalo na kung matagal kang naging matinong pulis. Dapat ngayon ay iyo nang napagtanto na walang maibubungang mabuti ang pagsisinungaling, kasi mapapahiya ka lang.

Tulad nyan. Sabi mo noong Lunes, yung kapatid ni Jun Lozada ang humingi ng proteksyon sa PNP-Police Security Protection Office. Nanumpa ka nun ha, na sasabihin mo ang totoo. Ngayon, sabi ng hepe ng PSPO, hindi raw humingi ng tulong ang kapatid ni Lozada na si Carmen. Sinungaling ka ba, General? Siguro naman hindi. Kaso, ayan oh.

General, hanggat maaga pa, isalba mo ang iyong reputasyon. Bigyan ka man ng pera ng amo mo, pero araw-araw ka naman nilibak sa mga aklat pangkasaysayan. Karamihan ng tao iisipin na isa kang tuta at sinungaling. Sabagay, buhay mo yan, pakialam ko ba?

Arbet

1
Feb

Eleksyon sa 2010: Mga mahalagang isyu, 3

May panawagan si Janette Toral para sa isang pagtalakay sa mga paksa na nauugnay sa halalang pambansa sa taong 2010, kasama na rito ang pag-anyaya sa iba pang mga blogger.

Magkakaroon ako ng serye ng mga pagtalakay tungkol sa mga isyu na dapat talakayin. Sa bawat pagtalakay, magsasaad ako ng isang isyu, magpapaliwanag kung bakit ito dapat maging isang isyu, at ang aking saloobin tungkol sa nasabing isyu.

Hindi natin maitatanggi na malaki ang nagagawa ng ating mga OFW sa ekonomiya ng ating bansa. Noong nakaraang taon, umabot sa US$13.1 bilyon ang ipinadala ng mg OFW – iyan ay mula Enero hanggang Nobyembre, at ipinadala sa pamamagitan ng mga bangko. Hindi pa kasama yung mga ipinadala noong Disyembre at yung mga hindi dumaan sa bangko. Kaya nga ang iba sa atin, tinatawag silang mga bagong bayani.

Pero bakit parang hindi bayani ang turing sa kanila ng ating pamahalaan? Bakit parang gatasan ang pagtingin ng rehimeng Arroyo sa mga OFW?

Tingnan ninyo itong ginawa ng Philippine Overseas Employment Administration. May mga ilang kasing mga OFW na direktang inempleyo – hindi sila dumaan sa recruiter, at hindi sila dumaan sa red tape ng POEA. Mukhang medyo naging wa-is yata ang mga employer, kaya medyo naguluhimanan ang POEA. Naglabas ito ng isang kautusan para makontrol ang tinatawag na direct employment. Mabuti kung inyong i-download ang nasabing panuntunan at maunawaan kung bakit kailangan nilang gawin ito.

Hindi ko tatalakayin ang nasabing panuntunan. Pakibasa ang ginawang pagtuligsa ng Lukayong Layas sa nasabing panuntunan. Ang masasabi ko lang: isa itong legal na pagnanakaw.

Bakit ito dapat maging isang isyu? Maraming hindi magandang naidudulot ang pag-alis ng mga Pilipino upang magtrabaho sa isang pamilya. Pero alam natin na mahirap maghanap ng magandang trabaho rito sa Pilipinas, lalo na para sa mga hindi nakapagtapos. Ok lang sana kung kaya ng minimum na pasahod ang cost of living, pero marami sa inyo ang nakakaalam na mahirap ang buhay, lalo ngayon na hindi naman bumababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Iyon namang iba, bagamat nakatapos ng pag-aaral, hindi makahanap ng trabaho na hindi sila masasadlak sa isang mesa at headset. Kaya napipilitan ang karamihan na makipagsapalaran at maghanap ng trabaho sa ibang bansa.

Pero ang mas mabigat na suliranin – ang tinatawag nating brain drain – ang pag-alis ng mga doktor, nars, guro, siyentipiko at inhinyero. Malaki ang epekto nito sa ating bansa.

Ano ba ang polisiya ng ating pamahalaan ukol rito? Ano ba ang gusto natin mangyari – ipagpatuloy na gawing pang-export ang ating mga manggagawa? Kaya siguro naisip ng POEA ang nasabing panuntunan – malaking pera rin yun. Pera nga, iyon eh kung may mga employer pa na mangahas na direktang kumuha ng tao. Halatang hindi na naman pinag-isipan ang desisyong ito.

Ano dapat ang maging polisiya natin para maiwasan ang brain drain?

Huwag kalimutang bumoto sa aking sarbey, kung hindi ka pa nakakaboto.

18
Jan

Isang kandila para sa EDSA Dos

Gustuhin ko man magsulat ukol sa EDSA People Power 2, mas mabuti pang magsindi na lang ako ng kandila.

Sa aking pagbabasa ng mga sumulat ukol sa EDSA Dos, nakakalungkot isipin na karamihan sa kanila ay nawalan ng gana. Sa wikang Ingles, they were badly burned. Iyung iba, talagang nag-isip pa pero isa lang naman ang patutunguhan ng kanilang mga sinasabi. Sa sikolohiya, meron tayong tinatawag na defense mechanisms, at sa aking palagay, sa mga nabasa ko na, nangingibabaw ang rasyonalisasyon.

Kung mabuti ang EDSA 2, bakit hindi natin ito magawa upang mapatalsik si Gloria Arroyo? Ang ilan sa iba, nagsabi na hindi ang pagpapaalis sa pinuno ng bansa ang solusyon. Ibig sabihin ba nun hindi tamang solusyon ang EDSA 2?

Ang iba naman ay nagsabi na mas mabuti na tumulong na lang sa ibang paraan upang mas mapabuti ang lipunan. At pabayaan na lang natin ang pulitika at iwan ito sa mga pulitiko? Parang nabalewala lang ang pagpunta nila sa EDSA. Para na rin nilang sinabi na hindi nakabuti ang EDSA 2. Eh bakit kailangan mo pang sabihin na tama ang EDSA 2 kung ganyan din lamang ang sasabihin mo?

Porke ba napaso tayo ng mga nangyari pagkatapos ng EDSA 2 eh susuko na tayo? Kung ganyan lahat ng pag-iisip natin, wala talagang mangyayari.

Kaya nga ayaw ko na magsulat ukol sa EDSA 2. Sasama lang ang loob ko. Dahil kahit anong gawin ko, kahit anong isulat ko upang ipaalam sa madla kung bakit dapat tayo makialam sa pulitika, wala ring mangyayari. Dahil mahirap makipag-usap sa taong nagtutulug-tulugan.

11
Jan

Buwisit na buwis

Habang ang karamihan ay nangangarap na masuspinde ang pagpataw ng 12% na VAT sa mga produktong petrolyo, ang rehimeng Arroyo naman (sa pamamagitan ng kalihim ng kalakalan Peter Favila) ay nangangarap na patawan ng buwis ang text messaging. Opo, mga text addict, dahil sa lakas ninyo magtext, nakaisip ng dahilan ang rehimen para makalikom ng pera para sa 2010.

At hindi naman pahuhuli ang dalawa sa mga pangunahing tagasuporta ng rehimeng ito. Ang dalawang ito ay kumakatawan sa grupo ng mga mangangalakal at mga malalaking kumpanya. Ayon kina (ihanda ang inyong mga sarili) Donald Dee at Francis Chua (gusto ko maduwal), sang-ayon sila sa panukalang buwis. Sabi ni Dee, mabuti raw ito dahil marami raw sa mga kabataan ang nagpapadala ng mga walang kwentang text messages.

Kung gagamitin natin ang napakalupit na lohika ni Dee, dapat din nating buwisan ang mga sumusunod:

* mga tawag sa telepono, singkwenta sentimos kada minuto, 100 piso para sa mga komersyal na linya
* mga email, piso para sa mga email na galing sa mga kumpanya, 2 piso kung galing sa mga kumpanya na may kapital na mahigit sa 1 bilyong piso
* mga anunsyo sa radyo, telebisyon, at dyaryo, 100 piso kada 1 libo na ginastos sa nasabing anunsyo, 1 libo kada 500 piso kung ang kumpanya ay may kapital na mahigit sa 1 bilyong piso
* mga board meetings, 1 libong piso kada 30 minuto ng pagpupulong; 10% ng per diem ng mga board directors
* paglipad patungo sa ibang bansa upang dumalo sa mga pagpupulong, 5 libo kada isang araw na wala sa bansa
* dami ng sasakyan ng isang kumpanya, 1 libo kada isang kotse, 5 libo kada isang trak
* mga palabas sa telebisyon, 1 libo kada isang minuto ng palabas, na babayaran ng producer ng palabas; hindi kabilang ang mga balita

Alam nyo na ang ibig kong sabihin.

Kumontra naman sa nasabing panukala ang TXTPower. Hinamon nito ang rehimeng Arroyo na pagbawalan ang lahat ng byaheng panglabas. Ayon sa nasabing grupo, gumasta ang rehimen ng halos 692 milyong piso para sa mga byahe ni Gloria Arroyo noong 2005 at 2006. Grabe, ano?

Ngayon, sinasabi ni Favila na wala raw silang balak na patawan ng buwis ang text messaging. Siguro natambakan sya ng text messages. Buti nga sa kanya.

Bakit mali na buwisan ang text messaging? Simple lang. Mas matipid magtext kaysa tumawag. Mas mabilis ito, hindi kailangan ang internet connection. Pwede ka magtext kahit saan, basta may signal, may baterya, at may load. Bakit mo bubuwisan ang isang matino, mabilis, at maayos na paraan ng pakikipag-usap?

4
Jan

Pagtaas patungo sa Enchanted Kingdom

Nagulat ang marami sa mga tumataya sa Super Lotto 6-49 kahapon. Nagtaas kasing bigla ang presyo sa pagtaya. Dati, sampung piso (Php 10) lamang ang bayad para sa anim na numero; ngayon, dalawampung piso (Php 20) na.

Matatandaan na dati ay sinubukan na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na taasan ang presyo ng pagtaya sa lahat ng larong lotto. Nagpaskil sila ng mga anunsyo sa mga tayaan ng lotto ukol sa nasabing pagtaas, kaya marami sa mga mananaya ang nagreklamo. Sa sobrang dami, napilitan si Gloria Arroyo na ipahinto ang nasabing pagtaas.

Ngayon natin makikita kung gaano kasuwail ang mga tauhang itinatalaga ng rehimeng Arroyo sa mga opisina ng pamahalaan. Para hindi na makapagreklamo ang mga mananaya, hindi na sila naglabas ng anunsyo ukol sa pagtaas. Hindi ba isa iyang uri ng pagsisinungaling? Ano pa nga ba? Eh iyong mismong punong nagtatalaga ay sinungaling, ano pa ba ang dapat nating asahan?

Mas nakakatuwa ang sinasabing dahilan ng pagtaas. Kailangan daw ng PCSO ng karagdagang pondo para mas marami pa raw ang mapagsilbihan nila. Saka dumoble naman daw ang jackpot prize.

Teka. Bago ang bola kagabi, ang jackpot prize noong Linggo ay nasa Php 50 milyon lamang. Ngayon, ang lumalabas na jackpot prize ay nasa Php 60 milyon. Ang pagtaas ay simula Disyembre 31. Bakit ganun lang ang naging jackpot prize? Di ba dapat mas malaki na kasi bente pesos na ang taya? Hay, ewan.

Kulang sa pondo? Bakit hindi ninyo bawasan ang gastos nyo sa mga anunsyo nyo? Tutal halata naman na ibinebenta nyo lang naman sa tao si Gloria Arroyo. Mas makabubuti siguro na ilaan na lamang ninyo sa mas makabuluhang bagay ang pondo sa pagbayad sa mga anunsyo na si Gloria Arroyo ang pangunahing makikinabang.

Pero baka tama nga ang butihing arsobispo ng Lingayen-Dagupan.

Nakakatawa ang mga nangyari kahapon.

Mula sa Twitter twit ni Ederic Eder (ito at ito), nalaman ko na kapag binisita mo kahapon ang mga Web site ng Kagawaran ng Hustisya, PNP-CIDG, at ITECC, dadalhin ka ng Web browser mo sa Web site ng Enchanted Kingdom. Tawa ako nang tawa kahapon.

Kung sino man ang gumawa nito: sana ganyan ang ginawa nyo sa Web site na ito.

Para kay Gloria Arroyo: tanggalin mo na ang mga tagasulat mo ng mga talumpati. Yung paggamit mo ng pariralang “Enchanted Kingdom” sa iyong talumpati ay isang karima-rimarim na katangahan.

28
Dec

Kababuyan, 3

Mukhang di pa talaga tapos ang pambababoy na ginagawa sa mga magsasaka ng Sumilao.

Bagamat inilagay na sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang 144-ektaryang lupain na kasalukuyang pagmamay-ari ng San Miguel Foods (SMFI), hindi pa tapos ang laban. Pagkatapos ng Pasko, nagpalabas ng mga anunsyo sa mga pahayagan ang SMFI ukol sa isyu.

Gusto ko mang talakayin ang isyu na ito, may nauna na sa akin, at hindi matatawaran ang talino ng taong tumuligsa sa anunsyo ng SMFI. Pakibasa ang isinulat ng isa sa mga aking iginagalang na blogger, ang lukayong layas. At ito pa ang isang magandang artikulo na sinulat ng isang manunulat ng Philippine Collegian.

At hindi pa riyan natatapos ang lahat. Humihirit na naman si Jesus Arranza, pangulo ng Federation of Philippine Industries at tagapagsalita ng SMFI, at tinira ang kilalang eksperto sa batas na si Fr. Joaquin Bernas. Dapat yata ay magdebate ang dalawa, nang makita ni Arranza na di nya alam ang sinasabi nya. Jesus pa naman ang pangalan nya.

21
Dec

Kababuyan, 2

Isang malaking kasinungalingan ang gusto ipairal ni Jesus Arranza ng Federation of Philippine Industries. Ayon sa kanya, bagamat nirerespeto nila ang naging desisyon ni Gloria Arroyo na ilagay sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang 144-ektaryang lupain na nabili ng San Miguel Foods, dapat daw ay manaig ang rule of law at hindi ang emosyon.

Kakaiba rin si Arranza. Malamang hindi ganoon kataas ang naging grado niya sa lohika noong siya ay nasa kolehiyo. Sabi niya, dapat manaig ang rule of law. Ibig ba niyang sabihin ay iligal ang ginawa ni Arroyo? Kung iligal ito, bakit niya iginalang ang pasya ni Arroyo? Hindi ba dapat iprotesta niya ito?

Bakit hindi niya ito sabihin sa pamilya Quisumbing na lumabag sa land conversion order na nilagdaan ni Ruben Torres? Bakit hindi niya ito sabihin sa San Miguel Foods na pumirma sa isang kontrata in bad faith?

Ano ba ang mas mahalaga sa isang magsasaka? Ang magkaroon ng trabaho na ang sweldo ay arawan? O ang magsaka ng sariling lupa?

Kung anu-ano pa ang pinagsasabi nitong si Arranza, tulad ng farm inputs, pero ano ang gagawin nila sa mga farm inputs na yan kung wala naman silang lupang sinasaka? Aanhin pa ang mga iyan kung ang trabaho lang naman nila ay mag-alaga ng baboy na hindi rin sa kanila?

Mas gusto ko pang maging alila ng lupa kaysa maging alila ng baboy, este tao pala.

14
Dec

Kababuyan

Nakakalungkot ang naging pasya ng Kagawaran ng Repormang Pang-agraryo. Sa naturang pagpapasya, pinapatigil nito ang anumang pagpapagawa ng San Miguel Foods sa lupain na kinuha mula sa mga magsasaka ng Sumilao. Nasabi rin sa naturang pasya na dapat igalang ng mga magsasaka ang pagmamay-ari ng SMF sa naturang lupain.

Sabi nga sa wikang Ingles, “screwed once again.” Bakit ko ito nasabi? Balikan natin ang nangyari. Noong panahon ng pamamahala ni Fidel Ramos, inilagay sa ilalim ng agrarian reform ang 144-ektaryang lupain na pagmamay-ari ni Norberto Quisumbing. Upang hindi makuha ang kanyang lupain, nagsampa siya ng isang apela at nangako na gagawa ng ilang mga gusali bilang kapalit sa pag-alis ng kanyang lupain sa ilalim ng agrarian reform. Ito ay pinagbigyan ni Ruben Torress, ang executive secretary noong panahong iyon. Nag-apela ang mga magsasaka sa Korte Suprema, ngunit ang apela ay ibinasura dahil hindi tumugon ang Kagawaran.

Makalipas ang ilang taon, ibinenta ni Quisumbing ang lupain sa SMF, at isang babuyan ang kasalukuyang ipinapatayo.

Ibinigay sa mga magsasaka ng Sumilao ang lupain ngunit binawi ito ng pamahalaang Ramos. They were screwed. Ngayon, they are screwed again. Habang humahaba ang kasong ito, nananatiling pag-aari ng SMF ang lupa. Ang mga magsasaka ng Sumilao ay nananatiling walang lupain upang masaka. Screwed once again.

Mas nakakalungkot ang mga reaksyon ng ilang mga tao tulad ni Mon Tulfo. Hindi nito makuha ang esensya ng isyu. Bigger picture? Simple lang naman iyan, Ginoong Tulfo: sa tulong ng SMF, mananatiling mga manggagawang walang lupa ang magsasaka ng Sumilao. Ganun lang iyon kasimple. Palibhasa kasi may sarili na siyang bahay at lupa. Kung matutuloy ang babuyan, mananatiling baboy ang mga magsasaka ng Sumilao sa lupang dapat ay sa kanila na.

Bilang sagot sa mga pagtatanggol ng mga tauhan ng rehimeng Arroyo laban sa isang survey ng Pulse Asia, kung saan sinasabing marami sa mga Pilipino ang naniniwala na si Gloria Arroyo ang pinakatiwaling pangulo ng bansa, nasabi ko na kasalanan din ito ng rehimeng Arroyo. Tulad na lamang ng nangyari sa Senado kahapon. Sa isang pagdinig ukol sa nangyaring pag-aresto sa mga mamamahayag noong Nobyembre 29, halos lahat ng inimbitahang mga opisyal ng pamahalaan ay hindi dumalo. Ang ganitong gawain ang naging basehan ng mga tao sa kanilang paniniwala.

Mas makakabuti kung tigilan na nila ang kanilang kahangalankababuyan at patunayan nila na hindi sila gumagawa ng mali.

14
Dec

Takot sa pagbabago

Nagpunta ako sa isang department store noong Miyerkules ng gabi upang bumili ng pangregalo para sa aming Kris Kringle. Mayroon silang libreng gift wrapping, kaya pumila ako para ako ay makatipid. Nagulat ako dahil napakahaba ng pila. Sa sobrang dami ay naglagay pa sila ng express section para sa mga magpapabalot ng hanggang sa dalawang item lamang. Iyung regular na section, ang daming binabalot.

Habang ako ay nakapila, madalas na may dumadaan na lalaki na nagtutulak ng kariton na naglalaman ng mga pinamili ng ilang mamimili. May washing machine, rice dispenser, kalan, telebisyon, radyo. Mga hindi mamahaling gamit pero ito iyong mga bagay na hindi basta binibili. Paminsan-minsan, may nagtutulak ng mga gamit na ipampapalit marahil sa mga nabili na – karaniwan ay mga gamit sa bahay.

Bigla akong napaisip habang nakapila. Hindi mayayaman ang mga taong ito ngunit maalwan ang kanilang buhay. Mga middle class, naisip ko, upper middle class. Sila iyong mga sapat ang kinikita upang makabili ng mga ganung bagay. Marahil nakuha na nila ang kanilang 13th month pay at bonus. Marahil nagpadala na ng mga dolyares ang kanilang mga kamag-anak na nagtatrabaho sa ibang bansa. Sila marahil ang unang masasaktan kapag nagkaroon ng isang marahas na pagbabago sa ating lipunan.

Hindi ang mga mayayaman, dahil malamang ang kanilang kayamanan ay wala na sa ating bansa. Hindi rin ang mga mahihirap, kasi wala nang mawawala sa kanila kung hindi ang kanilang buhay. Oo, ang mga middle class ang malaking talunan sa isang marahas na pagbabago. Sila ang aayaw sa isang rebolusyon.

Kung gusto natin ng pagbabago, paano natin ito makakamit? Halos lahat ng paraan na naaayon sa batas ay hindi na natin magamit, sa kadahilanang tayo rin ang may sala (tulad ng pagboto sa maling kandidato). Ano ngayon ang dapat nating gawin? Mukhang mas gusto ng nakakarami na antayin na lang ang susunod na halalan. Pero paano tayo makakasiguro na magkakaroon ng eleksyon sa 2010? Paano tayo makakasiguro na hindi na gagalaw ang mga katulad nina Garcillano at Bedol? Paano kung mabago ang ating Saligang Batas? Maraming maaaring mangyari bago ang 2010. Nabubuhay tayo sa panahon ng walang kasiguruhan, kaya marahil ayaw na nating dagdagan pa ang kasalukuyang kalituhan.

Hindi ko masisi ang karamihan sa atin kung bakit ganoon ang kanilang pag-iisip. Pero mas nalulungkot ako na habang mas gusto natin na manatili ang ating maalwan na buhay, patuloy na nagiging malalim ang ating suliraning pambansa. Sana hindi natin pagsisihan ang ating pagiging takot sa pagbabago.